gaano ba kabilis maupos ang sigarilyong hinihithit ng mariin? ang ginhawa ba’y sapat upang manatili ang init na gumugupo sa lamig ng laman? ang sagot ay hindi. ngunit ikaw, sa iyong init na hatid, sa ginhawang dulot sa sukdulan ng ating pagtatalik, ay may kalakip na pangako ng pag-ibig na habambuhay. Pangakong habambuhay na madarang sa nagbabagang pagsinta at pagnasa.
gaano ba karaming tagay ang kailangan tunggain upang mamanhid sa sakit? ilang baso? ilang bote? ilang galon? ang sasapat upang mapadali ang paglimot. ang sagot ay wala. ngunit ikaw. sa tuwing ako’y naluluha, sapat na ang iyong yakap upang ako’y mapangiti. sapat na ang iyong halik upang mapawi ang kirot. sapat na ang iyong ngiti upang malimot ko ang lahat.
nais kong sukatin ka. sukatin ang iyong halaga. ipagtabi ang pagibig mo at ang pagibig ko sa iyo. ngunit sa tingin ko’y hindi sasapat ang kung ano mang panukat mayroon sa mundo. nais ko’ng malaman kung bakit ganoon na lamang ang pagkalulong ko sa iyo. kung bakit sa bawat pagmulat ng aking mga mata, ang nais ko’y masilayan ang iyong mukha.
sa aking hinuha. marahil ay hindi ko kayang alamin ang tunay na ugat ng aking nadarama para saiyo. basta, magulo. sasakit lang aking ulo. marahil ay hindi ko na dapat alamin pa. basta mahal mo ako at mahal kita.at marahil walang tapang ng alak, walang hagod ng yosi at walang tindi ng droga ang hihigit sa iyong nakakaadik pagsinta.

5

