
Nariyan kana nang maipunla ang aking isipan sa malawak na sakahan ng kaalaman. Ewan ko ba kung paano mo natitiis ang iyong katayuan sa ara-araw na paroo’t-panaog ng araw at ng ulan. Basta, nariyan ka lamang; nakatayo, tangan ang iyong kalabaw, matikas ang tindig at tuwid ang iyong paningin na para ba’ng abot ng iyong pananaw ang bukas.
Marahil may iba na lumalapit sa iyo at ika’y hinahamak.
“ ano bang alam mo?”
“ano ba ang kaya mo’ng gawin?”
“magtanim?”
“magsaka?”
Pumupunit sa aking pandinig ang kanilang mga halakhak.
Pumupunit sa aking balat ang talim ng kanilang mapanghusgang mga tingin.
Ano nga ba ang kaya mo? Ano nga ba ang pakialam ko sa iyo? Eh, hinahamak mo rin ako. Sa dalas na mapadaan ako sa iyo’y pansin ko ang namumutawing ngiti sa iyong labi, ang iyong tindig na animoy nagmamalaki, ang iyong mga mata’ng wari ba’y sumusuri sa aking kaluluwa.
Oo. Isa ka lamang hamak na magsasaka.
Ngunit lahat ay tinitingala ka. Ni hindi ko maipagyabang sa iyo ang lawak ng aking pinag-aralan. Daig pa ang lalim ng aking pag-unawa ng lalim ng pagkakabaon ng iyong mga paa sa putikan. Ngunit hindi ka nahihiya. Sapagkat ang putik ay mapag-aruga. Sapagkat ang putik ay sinapupunang umaampon sa mga binhing nauuhaw sa pagkalinga. Sapagkat ang putik ay buhay.
Ikaw ang magsasaka at ako ang iyong binhi. Nawa’y pagyamanin mo ang lupain ng aking ulirat. Handa na akong harapin ang araw, ang ulan, at ang putikan. At sa araw ng aking pagyabong at paglago, iaalay ko sa iyo ang pangako ng isa’ng masaganang ani.
01/30/12
(Source: klapklap)

3

